(Simula na ngayong taon) P7K MEDICAL ALLOWANCE NG GOV’T WORKERS

MAAARI na ngayong matanggap ng mga kawani ng pamahalaan ang kanilang P7,000 medical allowance para sa 2025 makaraang aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga alituntunin sa pagkakaloob nito.

Sinabi ng DBM na inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang Budget Circular 2024-6, na naglalatag sa mga alituntunin, kautusan at regulasyon sa pagkakaloob ng medical allowance.

Ang grant ay bahagi ng Executive Order (EO) 64 s. 2024, na nagtatakda rin sa salary increase para sa government personnel, na nilagdaan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. noong Aug. 2, 2024.

“This is a promise fulfilled,” pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa isang statement nitong Huwebes.

Ang annual medical allowance ay ipagkakaloob sa qualified civilian government personnel bilang subsidiya sa pag-avail ng health maintenance organization (HMO)-type benefits.

“Matagal ko na pong pangarap ito para sa ating mga kababayan. Pagpasok po ng 2025, maaari na po silang makatanggap ng medical allowance para makatulong sa pagkuha nila ng HMO para sa kanilang health-related expenses o gastusin,” sabi ni Pangandaman.

Saklaw ng DBM circular ang lahat ng civilian government personnel sa national government agencies, kabilang ang state universities and colleges at government-owned and controlled corporations na hindi sakop ng Republic Act 10149 at EO 150, s. 2021.

“All government workers, regardless of appointment status, whether regular, casual, or contractual; appointive or elective; and on a full-time or part-time basis, are eligible for the medical grant.

Employees in the local government units and local water districts are also covered,” ayon pa sa DBM.

Ang allowance ay maaaring ipagkaloob sa pamamagitan ng HMO-type product coverage, na maaaring i-avail ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan o ng kani-kanilang employees’ organizations/groups.

Maaari rin itong gawing cash para sa mga mag-a-avail ng kanilang sarili o magbabayad/magre-renew ng kanilang existing HMO-type benefit.

Pinasalamatan ng Budget chief ang Pangulo sa pagbibigay ng prayoridad sa kalusugan ng state workers.

“This medical allowance is not just a benefit, it’s a vital investment in safeguarding a healthy workforce and ensuring that they perform at their best,” dagdag pa ni Pangandaman.