PHOTO COURTESY OF CNN PHILIPPINES
WALA nang makapipigil sa 3-araw na malawakang tigil-pasada na ikinasa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) sa susunod na linggo, simula sa Lunes, Nobyembre 20.
Ito’y sa kabila ng apela ng mga awtoridad na huwag nang ituloy ang transport strike.
Ayon kay Piston president Mody Floranda, may 100,000 miyembro ng transport group at kanilang local federations ang lalahok sa tigil-pasada bilang protesta sa public utility vehicle modernization program (PUVMP) ng gobyerno.
Ani Floranda, ang tigil-pasada ay tatagal hanggang Huwebes, Nobyembre 23.
Layon ng PUV modernization program na nagsimula noong 2017 na palitan ang mga lumang jeepney ng mga sasakyan na may Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon.
Gayunman, sa kabila ng magandang layunin nito ay mahigpit itong tinututulan ng mga driver at operator dahil sa sobrang mahal ng unit na aabot sa mahigit P2 million.
Bukod dito, iginiit nila na ang programa ay pumapabor lamang sa mga korporasyon at malalaking kooperatiba.
Nauna nang umapela ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Piston na huwag nang ituloy ang plano nitong tatlong araw na tigil-pasada.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na nakipag-ugnayan siya kay Floranda sa pag-asang magkaroon ng kompromiso para sa kapakanan ng mga commuter.
Matatandaan na sinabi ni Floranda na kakanselahin lamang ng Piston ang transport strike kung susundin ng gobyerno ang mga kahilingan nito hinggil sa PUV modernization program.
Kabilang dito ang pagbasura sa consolidation requirement na kanilang pinangangambahang mag-aalis ng single unit operators at mga franchise ng ruta.