(Simula na sa susunod na linggo) TAAS-DISCOUNT SA GROCERIES SA SENIORS, PWDs

IPATUTUPAD na ang mas mataas na special discount sa groceries ng senior citizens at  persons with disabilities (PWDs) simula sa susunod na linggo.

Ito’y makaraang lagdaan ng Department of Trade and Industry (DTI), ng Department of Agriculture (DA), at ng Department of Energy (DOE) ang isang joint administrative order (JAO) nitong Huwebes, Marso 21.

Sa ilalim ng JAO, ang kasalukuyang  5% special discount para sa seniors at PWDs sa basic necessities and prime commodities (BNPCs) ay itataas mula sa kasalukuyang P65 kada linggo sa P125 kada linggo, o kabuuang P500 kada buwan

Ayon sa DTI, ang JAO ay inaasang magiging epektibo matapos ang publikasyon nito sa Marso 25.

Isasailalim ang joint order sa pagrepaso tuwing limang taon.

Itinaas ng JAO ang maximum discountable amount sa mga pagbili ng seniors at PWDs sa P2,500 kada linggo mula sa kasalukuyang P1,300 kada linggo, kung saan iko-compute ang  5% special discount.

Nangangahulugan ito na kahit lumagpas ang pagbili sa P2,500, ang allowable amount na idi-discount ay mananatili sa 5% ng P2,500 o katumbas ng P125.

“We recognize the valuable contributions of our senior citizens and persons with disabilities to our society, and this initiative reiterates our unwavering commitment to ensure their access to essential goods,” wika ni Trade Secretary Alfredo Pascual.

Nilinaw rin ng DTI na ang discounts sa ilalim ng JAO ay hiwalay sa 20% statutory discount na ipinagkakaloob sa ilalim ng Republic Act 9994, o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, at Republic Act 10754, o ang An Act Expanding the Benefits and Privileges of PWDs.