BABABAAN ng Department of Agriculture (DA) ang selling price ng bigas na iniaalok nito sa ilalim ng farmer-to-consumer market initiative o Kadiwa stores.
Ayon kay DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa, sisimulan ng ahensiya ang pagbebenta ng P43 per kilo well-milled rice sa ilalim ng Rice-for-All program nito ngayong Biyernes, Oktubre 11.
Noong Agosto ay inilunsad ng DA ang Rice-for-All Program kung saan nagbebenta sila ng bigas sa P45 kada kilo sa piling Kadiwa outlets.
Ang inisyatiba ay nag-ugat sa P29 Rice Program, kung saan ibinebenta ang subsidized rice sa P29 kada kilo para lamang sa indigent at vulnerable sectors.
Samantala, ang Rice-for-All program ay para sa lahat ng consumers.
Ayon kay De Mesa, ang pagbaba ng selling price ng bigas sa ilalim ng Rice-for-All Program mula P45 kada kilo sa P43 per kilo ay dahil sa pagbaba ng presyo ng bigas na naobserbahan kamakailan.
“Dahil nga bumababa na rin ‘yung presyo ng bigas,” aniya.
Base sa price monitoring ng DA sa Metro Manila markets, ang average price ng local commercial well-milled rice ay naglalaro sa P45 hanggang P55 kada kilo.
Noong Marso nang ang inflation ay nasa 15-year high nito na 24.4%, ang average price ng well-milled rice sa buong bansa ay nasa P56.44 kada kilo.
Ang rice inflation ay bumagal sa 5.7% noong Setyembre mula 14.7% noong Agosto.
“The vision is to lower the price of this staple food under the Rice-for-All program to the most affordable level possible,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.