MAIBIBIGAY na ang ngayong buwan ang karagdagang P500 sa buwanang social pension ng mahihirap na senior citizen.
Ikinalugod ito ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes makaraang ianunsiyo ni Senador Sonny Angara na inendorso sa Senado ang P50 bilyong pondo para sa dagdag-pensyon ng tinatayang 4.1 milyong senior citizens.
Ayon sa namumuno sa Senate Committee on Finance nakapaloob sa P5.268 billion 2023 national budget ang karagdagang pensyon.
Nauna nang isinulong ni Ordanes, bilang chairman ng House Special Committee on Senior Citizens sa Kamara ang panukala para madoble ang buwanang pensyon ng mga mahihirap na nakakatanda sa bansa.
Ipinaglaban din nito na mapondohan sa 2023 national budget ang RA 11916 o ang Social Pension Act na naging batas noong Hulyo 2022.“Napapanahon ang karagdagang pensyon sa ating mahihirap na lolo at lola dahil makakatulong ito sa kanilang mga pangangailangan, lalo na sa kanilang mga gamot” ani Ordanes.
Anang mambabatas, ang dagdag na pensyon ay munting paraan ng pagpapahalaga at pagkilala sa mga naiambag sa lipunan ng mga nakakatanda.
Sa ngayon, isinusulong naman ni Ordanes ang panukala niya na ‘Universal Social Pension Program for All Senior Citizens’ na ang layon ay magkaroon ng pensyon ang lahat ng nasa edad 60 pataas anuman ang katayuan nila sa buhay. BETH C