KATITING na bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang ipatutupad simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.10, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.45.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magtatapyas ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, July 30, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.75, diesel ng P0.85, at kerosene ng P0.80.
Ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P9.60 kada litro at diesel ng P6.85 kada litro ngayong taon.
Samantala, ang kerosene ay may total net decrease na P0.30 kada litro. LIZA SORIANO