MAY rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes matapos ang price hike noong nakaraang linggo.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.85, diesel ng P0.75, at kerosene ng P0.90.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magrorolbak ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na inaasahan ang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo dahil sa ibababang oil demand forecasts ng OPEC+ sa ika-4 na pagkakataon, pagbaba ng US Energy Information Administration sa 2025 crude price forecast nito ng $1.53 per barrel tinukoy ang potensiyal para sa mas mataas na global oil production, at mahinang ekonomiya ng China kung saan pinanatili ng mga investor ang pessimistic outlook sa Chinese demand.
Noong nakaraang Martes, Nobyembre 12, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.50, diesel ng P2.10, at kerosene ng P1.20.
Ngayong taon, hanggang Nobyembre 12, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P10.15 kada litro at diesel ng P9.40 kada litro. Nagtala naman ang kerosene ng net decrease na P1.40 kada litro.
LIZA SORIANO