(Simula ngayong Martes) P1.15/L ROLLBACK SA DIESEL; P0.65/L SA GASOLINA

petrolyo

MATAPOS ang dalawang sunod na linggong price hike ay magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tatapyasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.65, diesel ng P1.15, at kerosene ng P1.15.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-aadjust ng presyo sa alas-8:01 ng umaga sa kaparehong araw.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P15.45,  diesel ng P27.35 kada litro, at kerosene ng P21.55 kada litro.

Ayon pa sa datos ng DOE, ang presyo sa Metro Manila ay naglalaro sa mula P66.45 kada litro (Pasig City) hanggang P89.75 kada litro (Muntinlupa City) para sa gasolina, at mula P68.20 kada litro (Quezon City) hanggang P85.20 kada litro (Pasay City) para sa diesel.