MAY panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa abiso ng Cleanfuel, Petro Gazz, PTT Philippines, at Seaoil, bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.45, at diesel ng P1.45.
Tatapyasan din ng Seaoil ang presyo ng kanilang kerosene ng P1.70 kada litro.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-8:01 ng umaga.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may tapyas sa presyo ng petrolyo.
Noong nakaraang Martes, September 6, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P2.60, diesel ng P1.55, at kerosene ng P1.60.
Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang August 30, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P19.55, P37.80 at P33.20 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Sa datos ng DOE, hanggang September 6-8, 2022, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P63.75 hanggang P73.55 kada litro sa Quezon City; diesel, P77.20 hanggang P81.95 sa Makati City; at kerosene, P82.11 hanggang P93.45 kada litro.