(Simula ngayong Martes) P1.55/L PRICE CUT SA GASOLINA, P1.30/L SA DIESEL

KASADO na ngayong Martes ang big-time rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex) at Pilipinas Shell Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.55, diesel ng P1.30, at kerosene ng P1.40.
Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga.

Ayon sa Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), ang rolbak ay dahil sa mababang demand sa China at United States, at sa napaulat na paglakas ng produksiyon.

Noong nakaraang Martes, Setyembre 3, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.50, diesel ng P0.30, at kerosene ng P0.70.

Ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P7.40 kada litro at diesel ng P4.35 kada litro.

Nagtala naman ang kerosene ng year-to-date net decrease na P3.30 kada litro.
LIZA SORIANO