(Simula ngayong Martes) P3.10/L TAAS-PRESYO SA DIESEL; P0.80/L SA GASOLINA

langis

MULING magpapatupad ng price hike ang mga kompanya ng langis sa kanilang mga produkto simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.80, diesel ng P3.10, at kerosene ng P1.70.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustment maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang taas-presyo ngayong alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-8:01 ng umaga sa parehong araw.

Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Noong nakaraang Martes, Enero 14, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P2.15 habang ang diesel ay P4.30. Noong Hunyo 7, nagkaroon ng P2.70 kada litrong pagtaas sa presyo ng gasolina at P6.55 sa diesel.

Sa datos ng Department of Energy, hanggang Hunyo 14, ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P28.70, diesel ng P41.15, at kerosene ng P37.95.