(Simula ngayong Martes) P3/L TAAS-PRESYO SA GASOLINA; P4.10/L SA DIESEL

petrolyo

MAY panibagong big-time oil price increase simula ngayong Martes, Abril 26.

Sa magkahiwalay na abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc., nasa P3 ang dagdag-presyo sa kada litro ng kanilang gasolina.

Nasa P4.10 naman ang price hike sa kada litro ng kanilang diesel  at P3.50 sa kerosene.

Magpapatupad din ang  Cleanfuel ng kaparehong price adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang taas-presyo ngayong alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-8 ng umaga at Caltex sa alas-12:01 ng umaga ng kaparehong araw.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo matapos ang dalawang sunod na rolbak, at ang ika-14 na linggo ngayong taon.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang giyera sa Russia at Ukraine ang na isa sa mga dahilan ng oil price hikes.

Sa datos ng DOE,  hanggang nitong Abril 19, umabot na sa P15.45 kada litro ang net increase sa gasolina, P27.35 kada litro sa diesel, at P21.55 kada litro sa kerosene.