(Simula ngayong Martes) P4.20/L PRICE HIKE SA DIESEL, GASOLINA

MATAPOS ang kakarampot na rolbak noong nakaraang linggo ay isa na namang malakihang pagtaas sa presyo ng mga ptoduktong petrolyo ang papasanin ng mga motorista simula ngayong Martes.

Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng kanilang gasolina at diesel ay tataas ng P4.20, habang ang kerosene ay P5.85.

Magpapatupad din ang Cleanfuel ng kaparehong price adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng dagdag-presyo sa alas-8:01 ng umaga sa kaparehong araw.

Ito na ang ika-14 na linggo sa nakalipas na 17 linggo na may pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Noong nakaraang Martes, Mayo 3, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tinapyasan ng P0.65 habang ang kada litro ng diesel at kerosene ay may bawas na P1.15.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina, diesel at kerosene ay tumaas na sa kabuuang P17.80, P30.30, at P29.30, ayon sa pagkakasunod-­sunod.