MAY malakihang dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Hunyo 7.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P2.70, diesel ng P6.55, at kerosene ng P5.45.
Ang Cleanfuel ay magpapatupad ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang price increase sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng pagbabago sa alas-8 ng umaga sa kaparehong araw.
Noong nakaraang linggo ay nagpatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo ang mga kompanya ng langis.
Ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P1.70, habang tumaas naman ang presyo ng kada litro ng diesel ng P1.20 at kerosene ng P2.45.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P23.85 55, diesel ng P30.30, at kerosene ng P27.65.