MATAPOS ang rolbak noong nakaraang linggo ay may pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.50, diesel ng P0.30, at kerosene ng P0.70.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang price hike sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, August 27, ang presyo ng gasolina ay bumaba ng P1.15 kada litro, diesel ng P1.90 kada litro, at kerosene ng P1.85 kada litro.
Ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P6.90 kada litro at diesel ng P4.05 kada litro.
Nagtala naman ang kerosene ng year-to-date net decrease na P4 kada litro.
LIZA SORIANO