MULING bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tatapyasan ng P0.75, diesel ng P0.65, at kerosene ng P0.60.
Ang Cleanfuel ay magpapatupad ng kaparehong rolbak maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng adjustments sa alas-12:01 ng umaga ng parehong araw.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may tapyas sa presyo ng gasolina at ika-4 kapwa sa diesel at kerosene.
Noong nakaraang Martes, Nobyembre 14, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.70, diesel ng P3, at kerosene ng P2.30
Sa kabila nito, year-to-date, ang presyo ng petrolyo ay nananatiling mataas.
Sa datos ng DOE, hanggang Nobyembre 14, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P13.05 kada litro, diesel ng P6.35 at kerosene ng P1.69 kada litro.
LIZA SORIANO