(Simula ngayong Martes) PRESYO NG PETROLYO MAY ROLBAK

MAY bawas-presyo sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tatapyasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.35, diesel ng P0.10, at kerosene ng P0.30.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Hunyo 13, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.20, diesel ng P1.40, at kerosene ng P1.30.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Hunyo 13, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P6.70 kada litro, habang ang presyo ng diesel ay bumaba ng P3.95 kada litro at kerosene ng P6.05 kada litro.