(Simula ngayong Martes) PRICE HIKE SA DIESEL, ROLLBACK SA GASOLINA

KASADO na ang dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Hunyo 4.

Sa abiso ng Shell Pilipinas Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bababa ng P0.90, habang tataas ang sa diesel ng P0.60, at kerosene ng P0.80.

Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may price hike sa diesel at kerosene.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang dagdag-bawas sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa  Cleanfuel na magpapatupad ng pagbabago sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Mayo 28, ang presyo ng kada litro ng  gasolina at diesel ay tumaas ng P0.40, at  kerosene ng P0.30.

Hanggang Mayo 28, 2024, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng  P7.55 at diesel ng   P4.85, habang ang sa kerosene ay bumaba ng P1.05 kada litro ngayong taon.