(Simula ngayong Martes)GASOLINA, DIESEL MAY TAAS-PRESYO

MAY pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel, habang may rolbak sa kerosene simula ngayong Martes.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.90, at diesel ng P1.05, habang may tapyas na P0.25 kada litro sa kerosene.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang adjustments sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga at Cleanfuel sa alas-4:01 ng hapon sa kaparehong araw.

Noong nakaraang Martes, Pebrero 14, ang presyo ng kada litro ng diesel ay bumaba ng P2.20 at kerosene ng P2.50, habang walang paggalaw sa presyo ng gasolina.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang February 14, 2023, ang year-to-date net decrease ay nasa P2.15 kada litro para sa diesel at P0.25 kada litro para sa kerosene, habang ang gasolina ay nanatili sa net increase na P5.10 kada litro.