(Simula ngayong Martes)P4.15/L PRICE CUT SA DIESEL

OIL PRICE HIKE-2

SA ikatlong sunod na linggo ay muling magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng rolbak sa presyo ng petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tatapyasan nila ang presyo ng kada litro ng diesel ng P4.15, at kerosene ng P4.45. Wala namang paggalaw sa presyo ng gasolina.

Magpapatupad ang Cleanfuel, Petro Gazz, Phoenix Petroleum Philippines Inc., at Unioil Petroleum Philippines Inc. ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex at Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga.

Noong nakaraang Martes, Setyembre 13, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.45, at diesel ng P1.45.

Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang August 30, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P19.55, P37.80 at P33.20 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa datos ng DOE, hanggang September 6-8, 2022, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P63.75 hanggang P73.55 kada litro sa Quezon City; diesel, P77.20 hanggang P81.95 sa Makati City; at kerosene, P82.11 hanggang P93.45 kada litro.