MULING bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tatapyasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.10, diesel ng P1.05, at kerosene ng P0.45.
Magpapatupad din ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila. Epektibo ang rolbak ngayong alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-8:01 ng umaga sa kaparehong araw.
Noong nakaraang Martes, Agosto 9, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P2.10, diesel ng P2.20, at kerosene ng P2.55. Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 9, ang year-to-date adjustments ay may net increase na P17.55 kada litro para sa gasolina, P30.15 kada litro sa diesel, at P24.75 kada litro para sa kerosene.