(Simula Pebrero 1) UNCONSOLIDATED PUJs HUHULIHIN NA

ITUTURING nang kolorum ang public utility jeepneys (PUJs) na hindi lalahok sa  consolidation sa ilalim ng  PUV Modernization Program ng pamahalaan simula Pebrero 1, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na ang unconsolidated PUJs ay magiging kolorum na matapos ang Enero 31, 2024.

Sa ilalim ng  mga alituntunin, ang prangkisa ng unconsolidated jeepneys ay kakanselahin.

Ayon kay Guadiz, magpapadala sila ng show cause orders sa jeepney operators sa  extension period o ngayong Enero.

“Yung show cause order po sa January po ‘yan, hanggang January 31, lahat po ng mga hindi nag-consolidate padadalhan po namin ng show cause order. After January 31, wala na po kayong prangkisa, hulihan na po ‘yun at ang classification na po ng sasakyan n’yo ay colorum na so may demarcation line ho ‘yan from January 31 po ‘yung show cause. Lahat ng hindi nakapag-consolidate, classified na pong colorum kaya huhulihin na po ito, yes by February 1,” ani Guadiz.

Sa gitna ng mga panawagan ng ilang mambabatas na iapela sa Office of the President ang suspensiyon ng PUVMP, sinabi ni DOTr’s Office of Transportation Cooperative Chairman Andy Ortega na itutuloy nila ang programa alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Ortega, ang unconsolidated single jeepney operators at drivers ay maaaring piliing sumali sa mga kooperatiba o humingi ng tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), TESDA o Department of Labor and Employment (DOLE).

“For all operators na hindi sumama sa programa, meron pong tulong na ibibigay ang DSWD at dito naman po sa PUVMP meron pong programa through TESDA and DOLE para makatulong sa operators. Dito naman po sa mas malaking numero, yung ating mga drivers…sila po ay may pagkakataon para tuloy-tuloy ang kanilang trabaho. Sila po ay puwedeng lumipat sa mga kooperatiba or korporasyon para ituloy ang kanilang hanapbuhay,” paliwanag ni Ortega.