(Simula sa 2020)  UMENTO SA GOV’T NURSES

Government nurses

HUWAG lang matabunan sa bicameral conference committee ay mailalabas na sa susunod na taon ang dagdag-sahod ng government nurses, ayon kay Sen. Ping Lacson.

Ito ay makaraang naipasok sa Senate version ng P4.1-trilyong 2020 national budget ang ipinaglaban ni Lacson na alokasyon para rito.

Sa ilalim ng probisyon sa Senate version ng pambansang badyet na “Increasing the Salary Grade of Government Nurses,” magiging Salary Grade 15 (P30,531) ang buwanang base pay ng government nurses, alinsunod sa utos ng Korte Suprema.

“The implementation of the salary adjustment shall take effect when the decision of the Supreme Court had become final and executory, but not earlier than the start of Fiscal Year 2020,” saad sa probisyon.

Isiniwalat ni Lacson sa kanyang interpelasyon sa 2020 budget ng Department of Health noong Nob­yembre 19 ang panga­ngailangan ng P3.173 bilyon para sa bagong salary grade ng government nurses.

Ayon kay Lacson, ang kakailanganing pondo para maipatupad ang utos ng Korte Suprema ay manggagaling sa inilaang pondo para sa staffing modifications at upgrading of salaries.

“We can introduce a special provision and source the P3-B from the P12.469-B under that particular item (Miscellaneous Personnel Benefit Fund),” paliwanag pa ng senador.

“They don’t have to wait six months or another year. By January once we enact the GAA for 2020, ang salary upgrade nila is taken care of,” diin ni Lacson.

Kaugnay rin nito, pinasalamatan ni Senador Christopher Bong Go ang Committee on Finance  dahil sa mabilis na pagtugon nito sa panawagan na agad na aksiyunan ang “much needed” budget.

Ani Go, bilang chairman ng Senate Committee on Health, isa sa mga prayoridad ng pamahalaan ang  kalusugan  ng  samba­yanan kaya’t sa  pag-apruba sa dagdag na P7 milyon para sa human resources for health employment program ay tiyak na mas maraming health workers ang maipadadala sa Department of Health (DOH) sa mga pinakasulok na lugar sa bansa. VICKY CERVALES

Comments are closed.