MAGSISIMULA na ang pagpapataw ng multa sa mga motorista na dumadaan sa mga expressway nang walang RFID (Radio Frequency Identification) o walang sapat na load sa Agosto 31.
Ito ay alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001 na nilagdaan ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO) at Toll Regulatory Board (TRB) noong Agosto 1, 2024.
Ang JMC No. 2024-001 ay magiging epektibo sa katapusan ng buwan matapos maisumite ang kopya nito para sa registration sa University of the Philippines-Office of the National Administrative Register (UP-ONAR) noong
Agosto 8 at mailathala sa Manila Bulletin noong Agosto 16.
Sa ilalim ng circular, ang mga motoristang papasok sa tollways na walang valid RFID o electronic toll collection (ETC) device kabilang ang mga sira na ay papatawan ng parusa bilang “No Valid ETC Device” na may sumusunod na penalidad:
First offense – P1,000
Second offense – P2,000
Subsequent offenses – P5,000 per offense
Ang mga sasakyang lalabas naman sa expressway na may insufficient balance ay pagmumultahin ng:
First offense – P500
Second offense – P1,000
Subsequent offenses – P2,500 per offense
Ang mga gumagamit ng fraudulent, tampered o fake RFID device at e-card sa pagdaan at paglabas sa expressway ay tatawaging “Fraudulent or Falsified ETC” na may penalidad na:
First offense – P1,000
Second offense – P2,000
Subsequent offenses – P5,000 per offense
Ayon sa pahayag ng TRB, ang mga motorista na may mga paglabag na may kaugnayan sa RFID ay bumubuo ng 9% ng lahat ng gumagamit ng mga expressway na nagiging sanhi ng mga pagkaantala at mahahabang pila sa mga toll plaza.
Sinabi rin ng TRB na ang karamihan sa mga gumagamit ng expressway na nasa 91% ay sumusunod sa mga patakaran at naaapektuhan ng mga motorista na may paglabag.
Layunin ng mga multa at parusa na mapabuti ang daloy ng trapiko sa mga toll plaza na magdudulot ng mas mabilis at mas maayos na pagbiyahe at makatipid ng oras, pera at mga resources.
Ang TRB ay maglalabas ng mga karagdagang abiso tungkol sa JMC upang talakayin ang mga detalye ng iba pang mga probisyon kasama na ang mga responsibilidad ng mga toll expressway concessionaires/operators, RFID service providers, toll expressway users, LTO at TRB.
Kasama rin dito ang information campaign ng Toll Expressway Concessionaires/Operators at LTO upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa bagong regulasyong ito.
RUBEN FUENTES