NAKATAKDA nang simulan sa susunod na linggo ang paniningil ng toll sa Section 1 ng NLEX-SLEX Connector Road Project.
Ayon sa Toll Regulatory Board (TRB), ang paniningil ng toll ay sisimulan sa Agosto 8.
Nabatid na binigyan ng TRB ang NLEX Corporation ng go signal o ng Notice to Start Collection para mangolekta ng Fractional Opening Base Toll Rates para sa Section 1 ng NLEX-SLEX Connector Road Project o expressway sa pagitan ng C3-Road/5th Avenue sa Caloocan City at ng España Boulevard sa Maynila, na may limang kilometro ang haba.
Alinsunod sa inaprubahang toll rates ng TRB, ang Class 1 vehicles ay magbabayad ng ₱86; ₱215 naman para sa Class 2 vehicles; at ₱302 para sa Class 3 vehicles.
Anang TRB, ang bagong toll road ang kauna-unahang magpapatupad ng 24/7 barrier-free Electronic Toll Collection System.
Kaugnay nito, hinihikayat ng TRB ang lahat ng expressway users na gumamit ng RFID, hindi lamang sa NLEX-SLEX Connector Road Project, kundi maging sa lahat ng iba pang expressways na kanilang daraanan.
-EVELYN GARCIA