(Simula sa Enero 1) 50K PUJ DRIVERS MAWAWALAN NG TRABAHO

NASA 50,000 jeepney drivers sa Metro Manila ang inaasahang mawawalan ng trabaho simula sa Enero 1, 2024.

Ayon kay MANIBELA President Mar Valbuena, ito’y dahil sa hindi nila pagtugon  sa franchise consolidation sa ilalim ng PUV modernization program matapos ang December 31 deadline ng pamahalaan.

Aminado si Valbuena na napakahirap ng sitwasyon ng mga jeepney driver at operator dahil masyado aniyang mahal ang pinagpipilitan sa kanilang bilhin na mahigit sa P2 milyong modernong jeepney.

Marami aniyang operators ang hindi kayang bilhin ang napakamahal na modernong jeepney na bago pa umano mabayaran ng buo ang mga unit ay maaaring sira na.

Bilang protesta sa Dec. 31 franchise consolidation deadline ay patuloy ang tigil-pasada ng mga transport group.

Sinimulan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Manibela ang 12-araw na malawakang tigil-pasada noong Lunes. Disyembre 18, na tatagal hanggang Disyembre 29.

EVELYN GARCIA