NAKATAKDANG tumaas ang aircraft fuel surcharge simula sa Hulyo 1 sa harap ng patuloy na pagsipa ng presyo ng krudo, ayon sa isang opisyal ng Civil Aeronautics Board (CAB).
Sinabi ni lawyer Blem Moro, chief ng Hearing Examiners Division ng CAB, na ang matrix na inilabas noong June 20 ay ipatutupad simula sa susunod na buwan.
“Applicable siya for all domestic flights and sa international flights na nag-o-originate sa Manila o sa Pilipinas. Kailangan ng approval ng CAB. ‘Yung papasok galing palabas, papasok ng Pilipinas, depende na ‘yan kung saan sila nanggaling,” paliwanag ni
Moro sa isang televised briefing.
“Napapansin natin ngayon, tumataas lalo ang presyo ng fuel at ganoon din ang exchange rate. Ito ‘yung mga factors na nakita ng CAB na naging movement o galaw sa merkado kaya ni-review natin ang fuel surcharge matrix,” aniya.
Nauna nang sinabi ng CAB na ang July rates ay maaaring umabot sa Level 11 mula sa kasalukuyang Level 7 sa fuel surcharge matrix.
Sa ilalim ng Level 11, ang mga airline ay maaaring mangolekta ng fuel surcharge na P355 hanggang P1,038 kada pasahero para sa one-way domestic flight at mula P1,172 hanggang P8,714.84 para sa international flights na magmumula sa Pilipinas. Ang rates ay depende sa layo ng flights.
Halimbawa, ang flight mula Manila hanggang Cebu ay maaari umanong tumaas ng P706.
“Many airlines, especially our local airlines, have applied surcharges, including Cebu Pacific and Philippine Airlines, as well as foreign carriers,” ani Moro.