SISIMULAN ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 2024 Population Census (POPCEN) sa Hulyo 15.
Ayon kay PSA National Statistician Undersecretary Claire Dennis Mapa, layon ng pagsasagawa ng POPCEN na i-update ang bilang ng populasyon sa bansa. Sa huling census na isinagawa noong 2020 ay lumabas na ang Pilipinas ay may populasyon na 109 million.
Bukod sa census, kasabay ring isasagawa ng PSA ang Community-Based Monitoring System (CBMS) upang makakolekta ng socio-economic information na may kaugnayan sa edukasyon, kalusugan, at living conditions ng mga komunidad na gagamitin bilang basehan ng mga programa at polisiya ng pamahalaan.
Ang pag-update sa ‘Listahanan’, o database ng mahihirap na pamilya na ginagamit ng Department of Social Welfare and Development ay isa sa mga dahilan sa likod ng pagsasama ng CBMS sa census.
“Ang Listahanan, ginawa noong 2019. So kailangan talaga nating i-update ang ating list so there was an order from the President (Marcos) to update the list via CBMS,” sabi ni Mapa.
Hinikayat ng PSA ang publiko na lumahok sa census at ang CBMS ay gagamitin para sa epektibong planning resource allocation, at pagbuo ng development programs upang tugunan ang mga pangangailangan ng vulnerable populations.
Sinabi pa ni Mapa na ang census ay gagamitin din para sa crisis-management plans tulad ng kung paano ito ginamit para sa pamamahagi ng social welfare assistance noong COVID-19 pandemic.
May 70,000 enumerators ang ide-deploy sa buong bansa para sa pangangalap ng estadistika mula Lunes hanggang Sabado.
Ang pagsagot sa questionnaires para sa POPCEN-CBMS ay tatagal ng 45 minuto hanggang isang oras. Hiniling ng PSA ang aktibong partisipasyon ng publiko. Ang pagtanggi na lumahok sa census ay may karampatang parusa sa ilalim ng batas.
Para sa CBMS, kailangang i-accomplish ng data subjects ang data consent form kung sang-ayon silang sumali. Tiniyak ng PSA na ang lahat ng makokolektang datos ay magiging confidential.
“We are asking for cooperation. While ito ay 45 minutes, konting abala, but we hope na ‘yong household head mag-participate,”ani Mapa.
Pinayuhan din ni Mapa ang publiko na maging mapagbantay laban sa mga maaaring gamitin ang census para makapanloko o magnakaw ng sensitibong impormasyon.
Ang official PSA enumerators ay lagi aniyang suot ang kanilang uniporme na may PSA logo at ID.
Paalala ng PSA, hindi hihingi ang enumerators ng confidential information tulad ng bank accounts at One-Time-Pin.
Kabuuang P5.2 billion ang inilaan sa pagsasagawa ng 2024 POPCEN-CBMS.