MAGANDANG balita sa seniors at persons with disabilities (PWDs).
Simula sa susunod na buwan ay ipatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang P500 monthly discount ng mga senior at PWD sa groceries at prime commodities.
Ayon kay Usec. Carolina Sanchez, dinagdagan ang discount dahil sa tumataas na halaga ng pamumuhay.
“We’re working to increase the usual P65 per week discount for senior citizens and PWDs to P125,” ayon kay Sanchez.
“This would mean an increase to P500 per month from the current P260 monthly discounts on groceries and premium items enjoyed by the elderly and PWDs.”
Aniya, bagama’t patuloy pa silang nagsasagawa ng konsultasyon sa mga stakeholder, ang kinakailangang inter-agency circular upang ipatupad ang dagdag na discount ay inaasahang ipalalabas at magiging epektibo bago matapos ang Marso 2024.
“It’s a joint issuance between the DA (Department of Agriculture), DTI and the DOE (Department of Energy),” ani Sanchez.
Gayunman, nilinaw niya na sakop lamang ng discount ang basic goods and prime commodities, o ang mga karaniwang kinokonsumo araw-araw tulad ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, gayundin ang fresh at processed milk, maliban sa medical grade milk.
Kasama rin ang manufactured goods, tulad ng processed meat, sardines, at corned beef, maliban sa premium brands.
“Senior citizens and PWDs also stand to enjoy additional discounts on basic construction supplies, like cement, hollow blocks, and electrical supplies, including light bulbs,” ayon sa DTI.
Hindi naman kasali sa karagdagang discount ang premium items, kabilang ang non-essential food tulad ng cakes and pastries.
Ayon kay Sanchez, matapos mag-isyu ng implementing inter-agency circular, ilalathala ng DTI ang comprehensive list ng mga item na sakop ng karagdagang discount para sa seniors at PWDs para magabayan ang publiko at ang mga apektadong merchants.
GLEN RAMOS