(Simula sa Mayo 1) UNCONSOLIDATED PUVs HUHULIHIN

HUHULIHIN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)  ang mga pampublikong sasakyan na hindi nakapag-consolidate para sa PUV Modernization Program ng gobyerno simula sa May 1.

Kasunod ito sa naging desisyon ng pamahalaan na hindi na palawigin pa ang deadline ng application ng mga PUV sa Abril 30.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, gagawin nila ang kanilang trabaho na sitahin at hulihin ang mga ito at hihingan ng consolidation documents.

Aniya, kapag walang naipakita ang mga nasitang tsuper, dadaan sa due process ang mga ito, o bibigyan ng notice o show cause order o hihingan ng paliwanag.

Dagdag pa ng opisyal, kapag hindi nakuntento ang ahensiya sa paliwanag ng mga nasitang tsuper, posible aniyang tuluyang mapawalang-bisa o mabawian na sila ng prangkisa.

DWIZ 882