INANUNSIYO kahapon ng NLEX Corp., ang operator ng North Luzon Expressway (NLEX), ang pagtataas sa toll rates nito simula sa Huwebes, Mayo 12.
Ayon sa NLEX Corp., pinayagan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang kompanya na taasan ang toll nito ng P2.00 sa open system at P0.34 per kilometer sa closed system.
Sa ilalim ng bagong toll rates, ang mga motorista na bibiyahe saan man sa open system ay magbabayad ng karagdagang P2.00 para sa Class 1 vehicles (regular cars at SUVs), P6.00 para sa Class 2 vehicles (buses at small trucks), at P8.00 sa Class 3 vehicles.
Ang open system, ayon sa kompanya, ay mula Balintawak, Caloocan City hanggang Marilao, Bulacan habang sakop ng closed system ang bahagi sa pagitan ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga, kabilang ang Subic-Tipo.
Samantala, ang mga bibiyahe sa NLEX end-to-end sa pagitan ng Metro Manila at ng Mabalacat City ay magbabayad ng karagdagang P27.00 para sa Class 1, P69.00 sa Class 2 at P82.00 para sa Class 3 vehicles.
“To help cushion the impact of the toll increase, public utility jeepneys (PUJs) under the NLEX Passada and Tsuper Card discount and rebate program will continue to enjoy the old rates,” ayon sa NLEX Corp.
“Provincial buses will also be covered by a graduated rebate scheme for a period of three months,” dagdag pa nito.
Ang toll adjustment ay bahagi ng inaprubahang periodic adjustments ng NLEX noong 2016 at ng completion ng bagong Subic Freeport Expressway (SFEX) noong 2021.
“Motorists have been enjoying safer and more comfortable journeys brought about by the new SFEX since it was partially opened in December 2020 and fully completed in February 2021. A total of 16.4 new lane kilometers, two new bridges in Jadjad and Argonaut, and a new tunnel were constructed for this infrastructure project,” ayon sa kompanya.
Samantala, may taas-singil din sa toll ang Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX) epektibo sa Mayo 12.
Ayon sa Cavitex Infrastructure Corp. (CIC), inaprubahan ng TRB ang kanilang 2011 at 2014 contractual tariff adjustments toll petitions, gayundin ang add-on toll petition para sa Phases 1 at 2 enhancement works na isinagawa sa CAVITEX R-1 Expressway na natapos noong 2020.
“The approved petitions translate to P4.62 VAT-exclusive rate per kilometer for Class 1 vehicles; P9.24 for Class 2; and P13.86 for Class 3 vehicles traversing the 6.48-kilometers R-1 Expressway (from CAVITEX Longos, Bacoor entry to MIA exit, and vice versa) beginning 12:00 a.m. of May 12,” ayon sa kompanya.
Sa ilalim ng bagong toll matrix, ang mga motorista ay magbabayad ng P33.00 para sa Class 1 vehicles mula sa kasalukuyang P25.00; P67.00 para sa Class 2 mula P50.00; at P100.00 para sa Class 3 mula sa kasalukuyang P75.00.