(Simula sa Nobyembre)PASAHE SA EROPLANO BABABA

MAKAAASA ang mga pasahero ng mas murang plane fares sa susunod na buwan makaraang babaan ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge level sa gitna ng pagbaba sa presyo ng jet fuel.

Sa isang advisory na may petsang Oktubre 17, sinabi ni CAB officer-in-charge Maria Elben Moro na ang fuel surcharge para sa domestic at international flights ay ibinaba sa Level 8 simula Nobyembre 1 hanggang 30.

“[From] 10 September to 9 October 2022, the price of jet fuel averaged P42.87 per liter, which corresponds to Level 8 of the Passenger and Cargo Fuel Surcharge Matrix,” wika ni Moro.

Sa ilalim ng Level 8, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay naglalaro sa P253 hanggang P787 depende sa layo ng biyahe.

Para sa international passenger flights na nagmula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay mula P835.05 hanggang P6,208.98.

Ang fuel surcharge para sa susunod na buwan ay mas mababa sa kasalukuyang level.

Sa ilalim ng Level 9, ang fuel surcharge ay naglalaro sa P287 hanggang P839 para sa domestic flights at P947.39 hanggang P7,044.27 para sa international flights.