PINAYAGAN na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na magtaas ng toll fee.
Ang petisyon para sa toll rate hike ay inihain ng NLEX Corp., ang operator ng toll roads, noong 2020 at 2022.
Sa isang advisory, sinabi ng NLEX Corp. na pansamantalang inaprubahan ng TRB ang bagong toll fees alinsunod sa petisyon.
Ayon sa kompanya, ipinaalam nila sa TRB, sa isang liham na may petsang Oktubre 6, 2023, ang kanilang intensiyong simulan ang pangongolekta ng 1st tranche sa Oktubre 17, 2023.
Ang mga motorista na bibiyahe mula Tarlac City hanggang Mabalacat na may Class 1, 2, at 3 vehicles ay magbabayad ng karagdagang P25.00, P50.00, at P75.00, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ang mga bumibiyahe sa pagitan ng Mabalacat at Tipo, Hermosa, Bataan na may Class 1 vehicles ay may dagdag na bayad na P40.00; Class 2, P81.00; at Class 3, P121.00.
Samantala, ang mga bumibiyahe end to end mula Tipo, Hermosa, Bataan hanggang Tarlac City ay magbabayad ng karagdagang P65.00 para sa Class 1, P131.00 sa Class 2, atbP196.00 para sa Class 3.
Ayon sa NLEX Corp., ang provisional toll rate adjustments ay isasailalim sa pagrepaso ng TRB alinsunod sa mga umiiral na tuntunin. Upang maibsan ang epekto ng toll fee hike, ipinag-utos ng TRB ang pagpapatupad nito sa tatlong tranches sa loob ng tatlong taon