(Simula sa Oktubre) DAGDAG-BAWAS SA SINGIL SA TUBIG

MAS mataas na taripa ang babayaran ng mga customer ng Manila Water Company Inc. sa fourth quarter ng 2024 habang ang mga sakop ng Maynilad Water Services Inc. ay mas mababa makaraang aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang foreign currency differential adjustment (FCDA) para sa naturang panahon.

Sa isang statement, sinabi ng MWSS Regulatory Office (MWSS-RO) na ang rekomendasyon nito na ipatupad ang 2024 fourth quarter FCDA epektibo October 1, 2024 ay inaprubahan ng Board of Trustees (BOT) noong September 12, base sa evaluation nito sa FCDA proposals ng water concessionaires.

“The MWSS RO confirms a tariff increase for Manila Water customers and a tariff decrease for Maynilad customers,” nakasaad sa statement.

Para sa fourth quarter, ang Manila Water ay magpapatupad ng upward FCDA na 2.03% sa 2024 average basic charge nito na P42.26 per cubic meter, o P0.86 per cubic meter.

Dahil sa adjustment, ang mga customer ng Manila Water na kumokonsumo ng 10 cubic meters (cu.m.) o mas mababa ay makaaasa ng P3.65 pagtaas kada buwan; 20. cu.m., P8.10 dagdag; at P16.54 pagtaas sa mga kumokonsumo ng 30 cu.m.

Ang Manila Water ay nagseserbisyo sa East Zone na kinabibilangan ng mga lungsod ng Makati, Mandaluyong, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig, Marikina, malaking bahagi ng Quezon City, ilang bahagi ng Manila; gayundin ang mga bayan ng Angono, Antipolo, Baras, Binangonan, Cainta, Cardona, Jala-Jala, Morong, Pililia, Rodriguez, San Mateo, Tanay, Taytay, at Teresa sa lalawigan ng Rizal.

Samantala, magpapatupad ang Maynilad ng mas mababang FCDA na 0.62% ng 2024 average basic charge nito na P47.57 per cubic meter o P0.29 downward adjustment per cubic meter.

Katumbas ito ng P0.83 pagbaba sa monthly bill ng residential customers na kumokonsumo ng 10 cu.m. o mas mababa, P3.14 sa mga kumokonsumo ng 20 cu.m., at P6.43 sa 30 cu.m.

Ang Maynilad ay nagseserbisyo sa west zone, na sumasakop sa mga Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon Manila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon, at Valenzuela.

Nagseserbisyo rin ito sa ilang lugar sa Cavite tulad ng mga lungsod ng Bacoor, Cavite, at Imus; at mga bayan ng Kawit, Noveleta, at Rosario