NAGSAGAWA ng kilos-protesta ang mga miyembro ng transportation group Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa kahabaan ng Morayta sa Recto, Manila kahapon upang igiit sa gobyerno ang pagbasura sa jeepney phaseout at franchise consolidation. Kuha ni NORMAN ARAGA
MAGHIHIGPIT na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga jeepney na hindi nagpa-consolidate sa ilallm ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, simula sa susunod na linggo.
Maglalabas ang LTFRB ng guidelines sa paghuli sa unconsolidated jeepneys.
Ang unconsolidated jeepneys ay itinuturing nang kolorum dahil wala na silang provisional authority para bumiyahe matapos ang April 30 consolidation deadline.
Ang pagsisimula ng paghuli ay kasabay ng 3-araw na tigil-pasada na ikinasa ng transport group na Manibela laban sa PUV modernization program sa June 10-12.
“‘Yung mga nagwewelga po sa kalye, ang sasabihin ko po sa kanila, magkita-kita tayo sa kalye. But make sure you have franchises,” sabi ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz.
Sa datos ng LTFRB-NCR’, 61% o 30,561 ng 49,593 jeepney units sa Metro Manila ang consolidated. Sa buong bansa ay 81% ng jeepney units ang lumahok sa PUVMP.
Samantala, ibinasura ng Department of Transportation (DOTr) ang panukala ng ilang mambabatas na bigyan ang unconsolidated jeepneys ng isa pang taon para sumunod sa requirement ng pamahalaan.
“When we talk about consolidation, tapos na ‘yun . There is no extension, that is what the president has said,” sabi ni DOTr Undersecretary Andy Ortega.