HINILING ng Kamara sa administrasyong Duterte na hanapan agad ng sustainable fund ang Expanded Maternity Leave Law na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.
Inirekomenda ni Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na kumuha ang pamahalaan ng pondo mula sa nakolektang sin tax para mabigyan na ng alokasyon ang naturang batas.
Paliwanag ng kongresista, maaaring mapagkunan ng pondo ang sin tax collection ng gobyerno dahil bahagi naman ng Milleni-um Development Goals ang Expanded Maternity Leave Act.
Aniya, maliit lamang ang magiging impact sa direct cost ng 105 days na maternity leave.
Dagdag pa niya, noong 2016, sa 256,472 na mga buntis na nag-avail ng SSS maternity benefits ay nasa 18 porsiyento lamang ang lumagpas sa P16,000 maximum salary credit claim.
Hinimok din ng mambabatas ang mga tumututol na employers na makipagtulungan sa pagbuo ng implementing rules and regu-lation para maging flexible at epektibo ang nasabing batas. CONDE BATAC