MAKATUTULONG ang pagpapataw ng buwis sa maaalat na pagkain para maiwasan ang panganib sa kalusugan, ayon kay Health Secretary Francisco Duque.
Anang kalihim, ang labis na pagkonsumo ng asin ay nananatiling public health concern dahil nagdudulot ito ng hypertension, kidney failure at iba pang kumplikasyon.
Ayon kay Duque, ang naturang panganib ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng pagpapataw ng buwis na katulad ng sa sugary drinks.
“The same strategy might work also for excessive consumption of salt, we did the same thing for taxing sugars and beverages so it might be the most effective way to go,” ani Duque.
Ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ay nagpapataw ng ₱6 per liter tax sa beverages na gumagamit ng caloric at non-caloric sweeteners, at ₱12 per liter para sa beverages na gumagamit ng high fruc-tose corn syrup.
Sinabi pa ni Duque na dapat magkaroon ng ‘low salt to no salt’ policy para sa salt content sa mga produkto.
Paliwanag niya, bagama’t ang iodine mula sa iodized salt ay nakatutulong sa brain development, ang asin mismo ay may masamang epekto.
“Eating salty food is just too much, and it’s already proving to be of negative consequence and impacting on the health of our people. That’s really a cause for concern,” dagdag ng health chief.
Sinabi naman ni Health Undersecretary Eric Domingo na ang regulations ay maaaring saklawin ang lahat ng pagkain kung kinakailangan gaya ng dried fish o daing.
“(Yes) kung umabot tayo doon but I am not saying that is where we are going. It is really just a broad stroke idea that the Secretary mentioned but we don’t have any guidelines on that yet,” ani Domingo.
Ayon kay public health expert Dr. Tony Leachon, ang mga Filipino ay kumokonsumo ng asin na apat hang-gang limang beses na mas mataas ang gramo sa nararapat.
“Dapat isang tao two grams lang per day. Tayo po ang konsumo ay 11 to 15 grams per day so, tayo four to five times ang Filipino,” aniya.
Ang iba pang sin taxes sa ilalim ng TRAIN law ay ang ₱35 per cigarette pack. Nilagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte ang bagong batas na magtataas dito sa ₱45 sa 2020 at ₱65 sa 2023.
Ang kikitain sa sin taxes na inaasahang aabot sa ₱62 billion ay gagamitin sa pagpondo sa universal health care program, na magpapalawak sa coverage ng government health insurance sa lahat ng Filipinos. CNN PHILIPPINES
Comments are closed.