LAGUNA-SIYAM na pamilya ang nawalan ng bahay makaraang masunugan sa Barangay Gatid, Sta Cruz.
Ayon kay FO1 Jasmin Suarez , nagmula ang apoy sa bahay ng isang nagngangalang Sito na umano’y nagsinaing para sa kanilang tanghalian.
Iniwan umano sandali nito ang nilululuto para bumili ng ulam sa kalapit na tindahan.
Makalipas ang ilang sandali bigla umanong nagliyab ang apoy mula sa panggatong na kahoy na siyang ginagamit sa pagluluto at mabilis na kumalat sa buong kabahayan.
Pinilit ng mga kapitbahay na buhusan ng tubig ang nagliliyab na apoy subalit nadamay na rin ang iba pang kabahayan na pawang gawa sa light materials.
Sinabi naman ng ilang residente na nakatulong sa paglakas ng apoy ang malakas na simoy ng hangin na nanggagaling sa Laguna de Bay.
Ideneklarang fire out ang sunog alas-2 ng hapon at iniulat na nasa P1 milyon ang danyos. ARMAN CAMBE