INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Camilo Cascolan na ililipat nito ng puwesto si National Capital Region Office (NCRPO) chief Major General Debold Sinas sa loob ng Camp Crame.
Ayon kay Cascolan, kailangang maipuwesto si Sinas sa posisyong higit na nababagay sa kanya at naniniwala ito sa kanyang kakayahan sa pagsasanay ng personnel at recruitment.
“All officers deserve promotion, most especially General Sinas [who] did his job well. There may be some flaws or lapses on his part [but] in [the] evaluation alone, he has done his job well,” ani Cascolan sa ginanap na press briefing.
Kaugnay nito, kinokonsidera ni Cascolan si P/ Brig. Gen. Vicente Danao, pinuno ng PNP-Region 4-A (Calabarzon -Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon) na humalili kay Sinas.
Ani PNP chief, ang liderato ni Danao ang tugmang mamuno sa NCRPO na kung saan ay miyembro ito ng PMA Class 1991.
“He’s doing good. He did his best and he has done good in the PRO 4-A. Not even that, he has a reputation in the service, he is a very competent person too,” diin ni Cascolan.
Nauna rito, si Danao ay naging hepe ng PNP-Davao City mula 2013 hanggang 2016 at naging director ng Manila Police District (MPD) bago itinalaga bilang pinuno ng PNP- Calabarzon noong Oktubre 2019.
Ang pagbalasa sa PNP ang siyang naging target ni Cascolan nang umupo bilang bagong hepe ng PNP noong Setyembre 2 bilang bahagi ng kanyang reorganization para sa mas maayos at malinis na pamamalakad sa hanay ng pulisya.
Gayunpaman, nakatakdang magretiro si Cascolan sa Nobyembre 10 ng kasalukuyang taon. VERLIN RUIZ
Comments are closed.