SINAS KARAPAT-DAPAT BANG PNP CHIEF?

MASAlamin

MALAKAS ang ugong na si NCRPO chief Debold Sinas ang papalit sa paretiro nang si PNP chief Gen. Camilo Cascolan. Maalalang si Gen. Cascolan pa mismo ang nagsabi na mapo-promote sa mas mataas na posisyon si Gen. Sinas.

Naging kontrobersiyal si Sinas dahil sa kanyang mananita birthday celebration sa rurok ng paghihigpit na quarantine dahil sa pandemya. Samantalang inaaresto ang maraming mga Filipino at ang iba pa nga ay nadidisgrasya ng mga enforcer, ay hindi natigatig si Sinas sa pag-violate ng minimum health protocol sa kanyang birthday bash noong nakaraang Mayo 2020 na ginanap sa Camp Bagong Diwa sa Siyudad ng Taguig.

Dahil hindi na maaaring ma-promote para sa iba pang posisyon na akma sa isang three-star general, ayon naman kay DILG Secretary Eduardo Ano, maaari na lamang ma-appoint bilang PNP chief si Sinas.

May backer umanong alyas “Iron Lady” si Sinas kaya malakas ang ugong na malamang masungkit nga nito ang pagiging PNP chief.

Ngunit dahil sa mga violation niya sa Bayanihan to Heal as One Act, nabibingit sa alanganin ang kanyang reputasyon para sa pagiging PNP chief. Una, panahon ng pandemya ngayon at sinusunod pa rin ng bansa ang mga regulasyon na siya mismo ang lumabag. Ikalawa, kinakitaan ng walang pag-respeto sa batas na siya mismo ang aasahang magpapatupad sa buong bansa? Ikatlo, ano ang magiging signal nito sa mamamayan kung siya nga ay mahirang na PNP chief?

Ang tinutumbok natin dito ay kung makakatulong ba sa imahe ng administrasyon ang isang Sinas bilang PNP chief? O saliwa ito at makaka-damage pa sa reputasyon ng institusyon at sa mga napagtagumpayan na ng PNP ukol sa digmaan laban sa pandemya?

Marahil ito ang mga puntong dapat na ikinokonsidera at binabalanse ukol sa ideya ng pag-appoint kay Gen. Sinas bilang PNP chief.

Comments are closed.