SINDIKATO NG BUCOR

MASAlamin

BILIB ako sa kapal ng pagmumukha ng mga taga-Bureau of Corrections na nagpalaya sa mga high-profile drug lord, rapist at mamama-tay-tao at sa tangkang pagpapalaya kay Sanchez na isang rapist at mamamatay-tao at mastermind sa pagpatay sa isang estudyanteng babae ng University of the Philippines-Los Baños at kanyang kaibigang lalaki.

Kung hindi umalma ang taumbayan ay malamang napakawalan na ito. Alam na alam na may kaperahan sa likod nito at ng iba pang pagpapalaya na nasa halos 2,000 preso sa bansa.

Maaaring ang iba naman ay talagang may merito ngunit sinamantala ito ng mga mapeperang preso upang mapasama sila sa mga pinalaya at pala-layain.

Lantad na may kina­laman si Faeldon sa kagarapalang ito sa BuCor. Sa hearing sa Senado ay inamin niyang pirma niya ang nakalagda sa dokumen-tong nagsasaad ng pagpapalaya sa halimaw na kriminal.

Pitong life sentence ang naipataw kay Sanchez, na maging sa ordinaryong bata ay madaling intindihing walang paglaya ang nasabing hatol.

Ngunit dahil sa kinang ng salapi, pikitan at kindatan na lang, pakawalan na ang mga may perang preso.

Malaki ang problema ng Bureau of Corrections at BJMP na kapwa nangangasiwa sa mga preso at mga piitan sa bansa. Una na nga ang korupsiyon, ikalawa ang droga at marami pang ibang ilegal na gawain.

Ngunit bukod dito, marami ang hindi nakaaalam na marami na sanang nakalayang preso na natapos na ang sentensiya o hatol sa kanila, ngunit dahil sa red tape ay nanatiling nakakulong taon na makaraang matapos nila ang hatol sa kanila ng korte.

Ganyan kalupit ang buhay, wala kasi silang perang pangsuhol upang makalabas na dahil natapos na nila ang kanilang sentensiya, samantalang ang mga hardcore criminal ay minamadaling palayain.

Bayang Filipinas, hindi ko maintindihan ang mga nailuluklok mong opisyal, kung sadya bang mga sugo ng demonyo o sadyang may malalim na kasamaan na nakatanim sa kultura ng bawat Filipino.

Comments are closed.