SINDIKATO NGA BA ANG NAGPAPAKALAT NG SPAM TEXT MESSAGES?

MASASABING sa buong kasaysayan ng edukasyon at iba pang larangan ay malaki na ang naging ambag ng teknolohiya.

Sa katunayan, ang teknolohiya ang isa sa mga pangunahing paraan kung bakit ang pag-aaral ay mas nagiging madali, mabilis, at mabisa.

Mas napapadali ang pagkuha ng impormasyon.

Ngunit may negatibo rin itong epekto dahil bunsod daw nito’y mas tinatamad na ang mga estudyanteng magbasa ng mga libro.

Aba’y mas nakadepende na sila sa teknolohiya, katulad na lang ng computer at gadgets dahil mas madali silang makakuha ng impormasyon.

Hindi na binabasa at ang ginagawa na lang ay “copy & paste” dahil nga rito’y wala na silang maintindihan sa kanilang ginagawa.

Sa paglago naman ng teknolohiya sa ating panahon, may kaakibat talagang epekto sa ating mga tao.

Problema rin ng ilang magulang ang pagbabago raw sa pag-uugali ng kanilang mga anak na tila sumasabay sa takbo ng panahon.

Ang iba’y nagiging suwail, matigas ang ulo, at wala nang paggalang sa mga nakatatanda.

May mga kabataan na rin na nalululong sa mobile games.

‘Yung iba, nakukuha nang gumawa ng masama makuha lang ang gusto o makalaro lang ng gustong games.

Totoo, may ilang mga kabataan na rin na sumusuway sa kanilang mga magulang.

Hindi na nakikinig sapagkat mas inuuna pa ang paggamit ng kanilang gadgets.

Maging ang mga kriminal o sindikato ay gumagamit na rin ng makabagong teknolohiya sa kanilang modus.

Kumbaga, hindi na sila low-tech.

Ang dumadaming spam text messages nga raw na nauuso ngayon ay kagagawan ng isang international syndicate.

Dito’y nag-aalok ng kung ano-ano ang sindidato, ayon sa National Privacy Commission (NPC).

Isang organisadong grupo raw ito na sanay na sanay na sa ganitong gawain.

Wala ring nakikitang direktang katibayan ang NPC na mag-uugnay daw sa posibilidad ng “leak” sa contact tracing forms sa pagdami ng spam SMS (Short Message Service).

Inihalimbawa ng ahensiya ang ilang katulad daw nitong insidente sa ibayong dagat kung saan gumagamit ng mga numero ang mga salarin na nakuha nila sa ibang paraan at malalaking database ang ginagamit dito.

Inaalam pa raw ang posibilidad ng “dark web” o mayroon mga tao na siyang nagbibigay ng mobile numbers.

Pinaghihinalaan tuloy ang telcos o telecommunication operators, gayundin ang online shopping platforms.

Ang ilang subscribers kasi, nakatatanggap ng iba’t ibang mensahe sa cellphone mula sa mga numero na hindi naman nila kilala o wala sa kanilang phonebook.

Kung ano-ano raw ang iniaalok tulad ng trabaho na may malaking sahod at iba pang transaksiyon.

Nakakagulat nga naman ang ganito at nakababahala dahil privacy natin ang pinag-uusapan dito.

Depensa ng NPC, maaaring ang nagpapadala ng text messages ay bahagi ng “smishing activities” na gawa raw ng global crime syndicate kaya makabubuting burahin daw agad ang mensahe at i-block ang numero.

Kung hindi ako nagkakamali, inatasan din ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga telco, tulad ng Digitel Mobile Philippines, Globe Telecoms, Dito Telecommunity, at Smart Communications, na magpadala ng text blast sa kanilang subscribers para balaan ang mga ito.

Ito na marahil ang matagal nang kinatatakutan ng marami na masamang epekto ng pagiging hi-tech natin.

Oo, malaki ang epekto ng teknolohiya sa komunikasyon dahil dito mas napapadali ang paghahatid ng mensahe kahit nasa malayo ang padadalhan nito.

Kapag mahina ang komunikasyon, maaaring magkaroon ng agwat ang dalawang tao, ngunit dahil sa makabagong teknolohiya ay napapadala nang maayos ang mga mensahe ng bawat isa, gaano man ito kalayo.

Gayunman, dahil din sa teknolohiya ay may mga tao o grupo ring inaabuso ito para sa sariling intensiyon o interes.

Kaya mahalaga ring tingnan ang mga ipinagmamalaking internal cybersecurity at data privacy group ng mga telco dahil mukhang nalulusutan na sila ng mga sindikato o baka naman nasa hanay lang din nila ang tinutukoy ko.

Nawa’y bantayang maigi ng mga kinauukulang ahensya ang mga aktibidad ng mga telco sa bansa sapagkat baka gumagawa na ang mga ito ng mga bagay na maaaring ikasira rin ng kanila mismong pangalan.