SINDIKATO SA LIKOD NG POGO PINATUTUGIS

Senador Win Gatchalian-3

SA TAKOT  na ang mga Filipino naman ang susunod na magiging biktima, hinimok ni  Senador  Win Gatchalian ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration na tugisin ang mga Chinese syndicate sa likod ng POGO industry sa bansa.

Nababahala si Gatchalian sa sunod-sunod na insidente ng pangingidnap ng mga sindikatong ito sa mga kapwa nila Chinese na pawang nagtatrabaho sa offshore gaming industry.

Aniya, maaaring ang ating mga kababayan na ang magiging susunod na biktima ng kidnapping at human trafficking kung hindi masasawata sa lalong madaling panahon ang mga sindikatong ito.

“Dapat paigtingin pa ng PNP, NBI, at ng BI ang pagtugis sa mga sindikatong ito na hindi lamang involved sa serye ng kidnapping sa bansa, pati na rin ang pag-operate ng prostitution dens at iba pang uri ng human trafficking. Ang dapat sa kanila ay mabulok sa bilangguan,” giit ng senador.

Kaya’t iminungkahi ni Gatchalian ang pagbubuo ng isang inter-agency  task force na binubuo ng PNP, NBI, at BI, at kasama ang  National Prosecution Service para sa mas mabilis na pag-imbestiga, pagtugis at prosekusyon ng kaso ng mga sindikatong ito.

Hinimok rin nito ang PNP na mas paigtingin pa ang police visibility sa Metro Manila, kasama na rito ang pagsasagawa ng checkpoint at police patrol na kung saan karamihan sa operasyon ng POGO sa bansa ay matatagpuan sa Makati Central Business District, Bonifacio Global City  at Bay Area sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque.

Kinalampag din  ni Gatchalian ang atensiyon ng BI na mas paigtingin ang immigration monitoring at border security upang pigilan ang pagpasok ng illegal foreign traffickers na dapat laging may close coordination ang border officers sa kawani ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy, at PNP Maritime Group.

Sa tala ng Senate Labor Committee mula sa iba’t ibang news reports, may 634 Chinese fugitives na naaresto sa bansa mula September 2019 hanggang January 2020, karamihan sa mga ito ay sangkot sa iba’t ibang uri ng investment scams, 14 ang sangkot sa phishing, at ang isa naman ay namumuno ng isang criminal syndicate.

Kasama rin sa nasabing report ang pagkakaaresto ng 77 Chinese na babaeng sangkot sa prostitusyon at pagkakasagip ng 241 na  Chinese, Taiwanese at Filipino na mga babae na napuwersang sumali sa ilegal na gawain.

Sa report naman ng BI, may 886 foreign fugitives ang na-deport na sa kanilang bansa mula noong 2017.

Samantala, sinabi ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na tumaas ang kaso ng abduction ng Chinese nationals sa bansa ng 71 na porsiyento o 58 na kaso noong nakaraang taon kum­para sa 34 na kaso noong 2018.

Sa talaan ng PNP-AKG, sa 58 na kaso ng abduction, 31 dito ay itinuturing na casino-related kidnappings, kung saan ang biktima ay kinikidnap ng mga nagpautang sa kanila matapos silang mabaon sa malaking utang. VICKY CERVALES

Comments are closed.