LAGUNA- BUMAGSAK sa mga kamay ng PNP Region 4A Special Action force at Regional Intelligence unit ang grupo ng mga robbery syndicate sa pinagtataguan nitong hide-out sa Taguig city, Metro Manila nitong Sabado ng hapon.
Ayon kay BGeneral Jose Melencio Nartatez Jr, Calabarzon police director, ang nasakoteng grupo ang responsable sa walang tigil na panloloob at panghoholdap sa mga 24/7 convenience store at mga customer nito sa Laguna, Quezon, Cavite, Rizal at Batangas.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Larry Perez Gilbero Jr, 20-anyos, ng Paco Manila; Jessierel Canete Eusebio, 22-anyos ; John Clister del Rosario Balderama, 19-anyos; at Diosdado Manahan Tamondong, 19-anyos, pawang mga residente ng Taguig, city.
Ayon pa kay Nartatez, binubuo ang naturang grupo ng mahigit sa 15 miyembro at una umanong dinakip ang apat dahil natunton sa global positioning system ng isang naholdap na cellphone ang kinaroroonan ng grupo.
Base sa imbestigasyon, ginagastusan ng sindikato ang kanilang mga miyembro sa mga bagong damit, motor at mga alahas para magkunwaring mga anak ng mayayaman at hindi mapagkamalan holdaper sa oras na pumasok sa mga convenience store.
Sa tala ng pulisya, mahigit ng 200 convenience stores sa buong Calabarzon ang naging biktima ng nasabing grupo kung kaya’t nakaya ng mga ito na makabili ng mga baril, bala at mga mamahaling RTW’s para sa kanilang operasyon.
Nasamsam sa hideout ng grupo ang dalawang cal.38 pistols, isang caliber 22 revolver, mga bala, mga cellphones at dalawang bagong motorsiklo.
Inaalam pa ng mga pulis kung sino-sino ang mga kasamahan ng mga nahuling suspek. ARMAN CAMBE