NILAMON ng apoy ang sinehan sa isang mall sa Bonifacio Global City (BGC) kahapon ng tanghali sa Taguig City.
Ayon sa Fire Brigade and Communications Group (FBCG), nasunog ang isang lugar ng sinehan na matatagpuan sa ikatlong palapag ng Uptown Mall sa nasabing lungsod.
Sa inisyal na report ng Uptown Mall, dakong alas -11:30 ng tanghali nang sumiklab ang apoy sa hindi pa nag-ooperate na sinehan ng nabanggit na mall sa BGC.
Sa agarang pagresponde ng mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa iba’t-ibang karatig lungsod ng Taguig ay agad na naapula ang apoy kung saan idineklara ang fire out dakong alas- 2 ng hapon.
Sa pagsiklab ng apoy sa naturang sinehan ay agad din inilikas ang mall guests, tenants, empleyado at trabahador ng katabing office towers kasabay ng pagpapatupad ng safety protocols at procedures.
Ayon din sa BFP ay wala namang nasugatan o namatay sa naganap na sunog habang nagpasalamat din ang mall management sa kooperasyon na ipinakita ng mga empleyado gayundin ng mga customer sa proseso ng evacuation.
Dagdag pa ng management ng mall na makaraan ang isang oras, dakong alas-3 ng hapon ay muling nagbukas ang retail stores, restaurants at iba pang estabilisimiyento mula lower ground level hanggang ikalawang palapag gayundin ang The Deck sa 4th Level para sa kanilang mga customer. MARIVIC FERNANDEZ