LUMAGDA ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa dalawang kasunduan sa Japanese firms sa layuning makaakit ng mga karagdagang investment sa renewable energy at manufacturing sectors ng bansa.
Sa isang statement, sinabi ng PEZA na pumirma ito ng memorandum of understanding (MOU) sa Junca Global Partner, Inc. at Registration Agreement sa Kurabe Industrial Philippines, Inc. sa investment mission sa Japan noong nakaraang Nov. 14-18.
Ang MOU sa Junca ay naglalayong isulong ang Pilipinas bilang isang investment destination para sa startup companies na may kinalaman sa fourth industrial revolution.
Layon din ng MOU na paigtingin ang pagtutulungan at partnership sa pagitan ng mga Filipino at Japanese startup upang palakasin ang innovation-driven industries ng bansa, partikular ang inobasyon sa renewable energy.
“With the signed MOU, PEZA and Junca will collaborate in bringing renewable energy technologies to ecozones and thereby enable locator companies to remain globally competitive while at the same time contributing to mitigating the effects of climate change pursuant to the Kyoto Protocol and the Paris Agreement,” wika ni PEZA officer-in-charge Tereso Panga.
Nangako rin si Junca Chair and Chief Executive Officer Dr. Hiyasuki Nagatome na mag-i-invest sa Pilipinas, hindi lamang sa renewable energy sector kundi maging sa mga industriya kung saan maaaring gamitin ang innovation and technology ng Junca.
“I guarantee you that Junca Holdings will invest and bring in the latest technology in the Philippines through PEZA, especially in the field of artificial intelligence (AI), blockchain system, biotech and stem cell, and wellness products,” aniya.
Samantala, sinelyuhan ng PEZA ang Registration Agreement sa Kurabe upang itayo ang kanilang manufacturing facility para sa car seat heater, steering wheel heater, at heating wires sa Batangas.
Ang Kurabe ay nakakuha ng 5-hectare land sa Lima Technology Center Special Economic Zone sa Lipa City.
PNA