SINGAPORE RIVER AT PASIG RIVER

Magkape Muna Tayo Ulit

SINGAPORE – Ang Singapore River ay maaaring ihalintulad sa ating Pasig River. Noong mga unang panahon, ang Singapore River ay naging mahalagang ilog para sa kanila. Nagtayo sila ng mga daungan na nagsilbing palitan ng mga kalakaran noong mga unang panahon  tulad ng Pasig River natin. Naging daan din ang ilog natin na nagmumula sa Laguna de Bay at dumadaloy patungo sa bu­nganga ng Manila Bay. May layo ito na 26 kilometro. Tulad nga ng Singapore River, maha­laga rin ang Pasig River bilang source ng mga pa­ngangailangan natin sa transportasyon, pagkain, tubig at hanapbuhay. Para lamang sa kaalaman ng lahat, ang siyudad ng Pasig ng Metro Manila ay dating kapitolyo ng lalawigan ng Rizal.

Ang Singapore River naman ay may habang 3.2 kilometro. ‘Di ha­mak na mas maigsi sa Pasig River. Ang bansang Singapore ay isang ‘free port’. Ang ibig sabihin nito ay libre ang mga mangangalakal sa mga ibang bansa na dumaong dito at magnegos­yo. Dahil dito, dumagsa ang mga tao sa paligid ng nasabing ilog. Ang Singapore kasi ay isang maliit na isla sa dulo ng bansang Malaysia. Nakuha ito ng imperyo ng Britanya noong mga unang panahon tulad ng nangyari sa Hong Kong. Tulad din ng nangyari sa Pasig River, naging polluted ang Singapore River.

Halos apat na dekada na ang nakaraan, ang Singapore River ay parehas na parehas sa kondisyon na sinapit ng ating Pasig River. Noong 1970s, ang mga iskuwater, mga naglalako ng mga paninda at pagkain, pati na rin ang mga pabrika ay nagtatapon ng kanilang mga dumi at basura sa Singapore River. Tulad din natin na nais ayusin at linisin ang Pasig River, ang gob­yerno ng Singapore ay nagsagawa ng matindi at seryosong kampanya na linisin ang kanilang ilog.

Noong 1977, iniutos ng kanilang dating Prime Minister na si Lee Kuan Yew na linisin ang Singapore River. Sinabi ni Lee na dapat nasa diwa ng bawat kababayan niya na malaking bahagi sa kanilang kabuhayan ay alagaan ang ilog na ito. Inutusan niya ang Ministry of Environment na sa loob ng sampung taon ay buhayin ang nasabing ilog.

Sa loob ng sampung taon, gumastos ang gobyerno ng Singapore ng $170 million (walang kurakot) upang i-relocate ang mahigit na 4,000 na iskuwater at iba pang mangangalakal na apektado sa paglinis ng Singapore River. Binigyan sila ng maayos na pabahay at sariling palengke (walang kurakot). Inilipat o kaya binawasan ang mga barko na gumagamit ng nasabing ilog. Ang mga mabahong burak ay hinakot at ang mga basura ay inalis. Natapos nila ang proyektong ito noong 1987.

Pagkatapos nito ay nagsagawa ang kanilang gobyerno ng ‘Clean Rivers Education Program’ upang ipaalam sa kanilang mamamayan ang nega­tibong epekto sa patuloy na pagdumi ng Singapore River. Hinikayat nila ang kanilang mamamayan na makiisa at tumulong sa paglinis nito. Noong 2008, nagtayo sila ng Marina Barrage na nagkakahalaga ng $226 million (walang kurakot) upang magsilbing flood control nila at upang magsilbing dag­dag na pangangailangan ng kanilang tubig inumin. Opo, tubig inumin nila. Gan’un katagumpay ang  paglilinis ng kanilang Singapore River.

Sa ngayon, makikita ng lahat na napakalinis ng Singapore River. Walang amoy. Inayos nila ang mga gilid ng ilog bilang magandang pasyalan. Makikita mo ang hayop na Otter na lumalangoy sa nasabing ilog at kumakain ng buhay na isda. Nabuhay nila ang Singapore River… kailan kaya natin magagawa ito sa ating Pasig River? Haaaaaay!

2 thoughts on “SINGAPORE RIVER AT PASIG RIVER”

Comments are closed.