MAHIGPIT na pinabulaanan ng Manila Electric Co. (Meralco) ang mga paulit-ulit na paratang ng grupong Bayan Muna at Matuwid na Singil sa Kuryente na labis-labis ang sinisingil ng kompanya sa mga customer nito.
Nauna rito ay hinikayat ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang Kamara na paspasan ang pag-iimbestiga sa Meralco kaugnay sa sobra-sobra umanong paniningil nito na umabot sa P66 bilyon.
Ayon kay Joe R. Zaldarriaga, vice president at tagapagsalita ng Meralco, ang singil ng Meralco sa kanilang mga customer ay hindi labis sa itinakda ng batas at sa inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ani Zaldarriaga, walang katotohanan ang mga alegasyon ng dalawang grupo.
“Hindi naisalawaran ng dalawang grupo ang buong katotoohanan sa kabila ng kanilang
paggamit ng mga nakuhang impormasyon mula sa website ng Meralco. Ang mga paratang na ito’y hindi lamang luma at paulit-ulit nilang inihahayag ilang buwan na ang nakalipas, kundi pawang kasinungalingan para malinlang ang publiko.”
Gaya ng nakaraan nilang tugon, dagdag ni Zaldarriaga, ay bukas ang Meralco sa anumang pagsisiyasat.
“Handa kami na sagutin ang kanilang mga alegasyon sa naaangkop at tamang forum, subalit dapat din ay may respeto sila sa tamang prosesong na naaayon sa batas at hindi pawang paninira lamang. Patuloy ang Meralco sa pagiging bukas sa publiko, sa pamahalaan at sa pagbibigay ng impormasyong hiniling at kinakailangan ng mga kinauukulan.”
Ayon pa kay Zaldarriaga, ang singil ng Meralco ay dumaan sa masusing proseso ng pagsisiyasat ng ERC.
“Ang kanilang mga alegasyon ay walang katotohanan at puro haka-haka lamang,” dagdag pa niya.
Tiniyak ni Zaldarriaga sa publiko na hindi sobra-sobra ang sinisingil ng Meralco sa mga customer nito.
“Sa katunayan, inanunsiyo nitong nakaraang buwan ang pagbaba ng singil, ang ikawalong buwan na pagbaba ngayong taon na nagresulta sa kabuuang pagbawas sa singil na 1.35 pesos kada kWh mula nang magsimula ang 2020. Ang kabuuang singil ngayong taon ay nasa pinakamababang antas sa loob ng tatlong taon mula noong Setyembre 2017 at isa sa pinakamababa kumpara sa ibang distribution utilities sa buong bansa. Kaya lubos na nakapagtataka at kaduda-duda na patuloy ang Bayan Muna sa kanilang pag-atake at pagkuwestiyon sa singil ng aming kompanya.”
Iginiit pa ni Zaldarriaga na ang operasyon ng Meralco ay alinsunod sa lahat ng naaangkop na mga patakaran, regulasyon, at alituntunin.
“Patuloy kaming nagtatrabaho sa buong magdamag upang matiyak ang maaasahang pamamahagi ng koryente sa aming mga customer, lalo na sa gitna ng hamon ng pandemya.” LIZA SORIANO
Comments are closed.