INANUNSIYO ng isang opisyal ng Meralco na posibleng magkaroon ng tapyas sa singil sa koryente ngayong buwan ng Oktubre.
Ayon sa kanya, kung hindi man bumaba, hindi nalalayo ang halaga ng singil sa koryente ngayong buwan Oktubre sa singil noong Setyembre, ayon kay Larry Fernandez, head ng utility economics sa Meralco.
Kung sakali aniyang bumaba, maitatalang anim na buwan nang sunod-sunod na nagkaroon ng bawas sa presyo ng koryente.
Mula noong Mayo hanggang Setyembre, umabot na sa P1.52 kada kilowatt hour ang bawas-singil sa koryente.
Bukod sa indikasyong pababa ang halaga ng koryente galing sa mga supplier, may natira pa raw na refund na inutos ng Energy Regulatory Commission at lumakas din ang piso kontra dolyar.
BAWAS-PRESYO SA PETROLYO INAASAHAN
Samantala, posibleng magkaroon ng isa pang rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo base sa presyuhan sa pandaigdigang merkado.
Sa unang tatlong araw ng trading sa merkado, nasa P0.80 hanggang P0.90 kada litro na ang ibinaba ng imported na gasolina, at P0.60 hanggang P0.70 naman sa diesel at kerosene.
HALAGA NG ILANG BILIHIN TATAAS
Inaprubahan naman ng Department of Trade and Industry ang dagdag-presyo ng ilang pangunahing bilihin.
Sa bagong suggested retail price, na epektibo noong Lunes, hanggang P1 ang itinaas ng ilang brands ng sardinas.
Nasa P0.25 hanggang P0.45 naman ang taas-presyo sa kape, P0.45 sa instant noodles, at hanggang P1 sa karneng de-lata.
Comments are closed.