Force Majeure Claims ng MERALCO Nagresulta sa Mas Mababang Generation Rates sa Ikatlong Sunod na Buwan
MANILA, PHILIPPINES – Inanunsiyo ng Manila Electric Company (MERALCO) ang muling pagbaba sa singil sa koryente makaraang bumaba ang overall rate para isang typical household ng P0.0216 per kWh, mula sa P8.7468 per kWh noong nakaraang buwan sa P8.7252 per kWh ngayong Hunyo. Katumbas ito ng P4 na tapyas sa bill ng average residential customers na kumokonsumo ng 200kWh kada buwan.
Ayon sa Meralco, tatlong sunod na buwan na ang pagbaba ng generation rate, dahilan kaya ang total rate decrease ay umabot na sa mahigit piso per kWh magmula nang magsimula ang taon. Ang total rate ngayong buwan ay malaki rin ang ibinaba kumpara noong Hunyo 2019, na nasa P10.0918 per kWh. Ang total rate ngayong Hunyo ay pinakamababa rin magmula noong Pebrero 2018.
Mas Mababang Generation Charge Dahil sa Force Majeure Claims ng MERALCO
Mula sa P4.3848 per kWh noong Mayo, ang generation charge ay bumaba ng P0.0435 per kWh sa P4.3413 per kWh ngayong Hunyo.
Dahil sa napakalaking kabawasan sa power demand sa service area nito sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ period, nag-claim ang MERALCO ng Force Majeure provision sa Power Supply Agreements (PSAs) nito sa buong panahon ng lockdown, kung kaya binawasan ang fixed charges para sa generation capacity na siningil sana ng suppliers.
Ngayong Hunyo, ang Force Majeure claim ay may kabuuang P614 million, katumbas ng customer savings na P0.2208 per kWh, kumakatawan sa kabawasan sa fixed costs mula sa baseload supply contracts nito at naiwasan ang charges mula sa temporary suspension ng mid-merit supply contracts na inaprubahan kamakailan ng Energy Regulatory Commission (ERC). Kung wala ang FM claims, ang generation charge at ang total rate ay tumaas sana ng 18-centavos at 24-centavos, ayon sa pagkakasunod, mula sa rate noong nakaraang buwan. Sa nakalipas na tatlong buwan, ang savings dahil sa Force Majeure claims ay umabot sa kabuuang P1.6 billion.
Ang PSA charges ay bumaba ng P0.0613 per kWh at pangunahing dahilan nito ang Force Majeure claim ng MERALCO. Ang halaga ng koryente mula sa Independent Power Producers (IPPs) ay bumaba rin ng P0.2334 per kWh dahil sa mas mataas na average plant dispatch. Ang PSAs at IPPs ay bumubuo sa 50.4% at 47.1% ng total supply ng MERALCO, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang charges mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ay tumaas ng P0.3132 per kWh sanhi ng mas mataas na supply conditions sa Luzon grid dahil sa maraming insidente ng plant outages at bahagyang pagtaas sa demand o pangangailangan. Ang share ng WESM sa supply needs ng MERALCO ay nasa 2.5% lamang.
Paggalaw sa Iba pang Charges
Ang pass-through charges ay nagtala ng pagtaas na P0.0219 per kWh. Pangunahing dahilan nito ang pagbabalik ng P0.0495 per kWh na singil para sa Feed-In-Tariff Allowance (FIT-All). Sinuspinde ng ERC ang koleksiyon ng FIT-All para sa April at May billing months bilang konsiderasyon sa ECQ. Samantala, sinuspinde ng ERC ang pangongolekta ng Universal Charge-Environmental Charge na nagkakahalaga ng P0.0025 per kWh simula ngayong Hunyo, until further notice.
Samantala, ang distribution, supply, at metering charges ng MERALCO ay hindi gumalaw sa loob ng 59 buwan makaraang magtala ito ng reductions noong Hulyo 2015. Iginiit ng MERALCO na hindi ito kumikita sa pass-through charges, tulad ng generation at transmission charges. Ang bayad sa generation charge ay napupunta sa power suppliers, habang ang bayad sa transmission charge ay napupunta sa NGCP. Ang mga buwis at iba pang public policy charges tulad ng Universal Charges at FIT-All ay nire-remit sa gobyerno.
MERALCO bukas pa rin ang pintuan para sa customers habang naka-General Community Quarantine (GCQ)
Maaaring bumisita ang mga customer sa kanilang pinakamalapit na Meralco Business Center, na patuloy na magseserbisyo habang umiiral ang GCQ, at tumatanggap ng service applications, payments, at iba pang transaksiyon.
Patuloy na ipatutupad ang mahigpit na safety measures, tulad ng “No Mask, No Entry” rule, social distancing at temperature check. Nakahanda ang mga frontliner, ngunit mahigpit na sumusunod sa social distancing guidelines. Makaaasa ang mga bisita na ang naturang mga frontliner ay pumasa sa rapid COVID-19 testing na pinahintulutan ng Pasig City Health Office. Mayroon ding acrylic barriers set up sa mga sangay ng Meralco upang maprotektahan kapwa ang customer at ang frontliner.
Subalit para sa maximum safety at convenience, hinihikayat pa rin ng Meralco ang mga customer na gumamit ng Meralco online para mag-transact mula sa kanilang mga tahanan. Maraming opsiyon ang mga customer, kabilang ang Meralco Mobile App via https://onelink.to/meralcomobile, Meralco Online via www.Meralco.com.ph, at ang Meralco authorized payment channels sa bit.ly/MeralcoPaymentPartners.
Para sa karagdagang impormasyon at katanungan, maaaring bumisita sa website ng MERALCO sa www.MERALCO.com.ph.
Comments are closed.